
Ang kanal… Bow!
Limang buwan na rin ang nakalipas buhat nung huling uwi ko samin. Kailangang umuwi dahil tapos na ang semester. Sayang ang ilalagi ko dito sa Baguio dahil sa pagmamasid ko sa aking sarili, ay ilang araw na rin akong nagbibilang ng tupa dito sa apat na sulok ng kwarto ko. Next stop: babaan ng bus. Sinabihan ko ang kapatid ko na sunduin nya ako at maluwalhati naman syang tumugon. Ang sesti, hindi ko naisip na matino syang kausap ng mga oras na yun o nakakain ng maraming vetsin dahilan upang magwala ang isip at kumain ng sipit ng sampayan. Nung dumating na ako sa babaan, nakita ko ang tatay ko… nakabisikleta. Ayos! Nagmukha akong tatakbong kagawad ng barangay ng mga oras na yun. Tinginan sakin ang nga tao na parang bang may sinusuring malaking libag saking katawan. Pero maluwalhati naman ako na nakarating samin.
Ewan ko ba kasi pag sa probinsya, parang ang ikli ng buhay ngunit mayaman sa kwento at imahinasyon ang mga tao. Halimbawa: “ Uy mare kumusta na ang pagdidilig mo ng halaman kahapon, masaya ba?”, “ Uy pare ba’t nga pala nawala ang kinain mong kakanin kanina, siguro kinuha ng multo”?. Mga tipikal na aspeto ng buhay ang nakapaloob sa kanila araw-araw. Aakalain mo na ito na ang sagot sa global warming.
Pagdating ko samin, wala pa rin nagbago maliban na lang sa pagtanda ng lugar at pag-iwan ng panahon. Napansin ko ang kanal samin. Humupa na ang tubig na dumadaloy dito, napuno na ng basura ang minsang daanan patungo sa kalininsan. Bakas sa kanal ang isang pangarap na minsa’y iginuhit ng semento sa kanila pero ngayon ay nagmukha na itong nitso na para kumintab ulit ay kailangan pinturahan.
Di matanggal ang kalungkutan sa isip ko nung nga panahong yun. Ba’t ba may mga bagay na dapat mawalan ng silbi para lang sa kaligayahan ng iba… Gaya ngayon, na ang pinagsasabi ko dito ay tungkol sa kanal… Marahil ay nasayang ang ilang minuto ng buhay mo kakabasa nito samantalang nasusunog na pala ang sinaing mo o di kaya’y nawalan na ng tubig ang nilulto mong sinigang.. Pero naasar ka man sa sinabi ko o hindi, nakornihan ka man o nasuka, nangayayat ka man o napundi ang mata, ang importante naapektuhan ka sa sinabi ko.
Masarap ngunit malungkot harapin ang katotohan na ang pagliban sa isang tungkulin ay may epekto sa iniwanan mo. Makakabalik ka sa lugar ngunit hindi mo na maibabalik ang panahon. Sa palagay ko kaya tayo binigyan ng pagakakataong bumalik sa lugar ay upang magmasid at mamulat sa kung ano man ang makikita natin. Ikaw, napagtanto mo na ba kung bakit meron pa ring puno ng niyog sa lugar nyo na sa kabila ng pagtubo ng madaming tagyawat sa mukha mo ay andun pa rin?. Sana malaman mo at sana wag makahalata ang mga mambabasa na hindi ito pauso.
No comments:
Post a Comment