Saturday, July 5, 2008

Pasukan… Tinginan..


Pasukan… Tinginan..

Pasukan na pala ng mga estudyante ngayon. Panahon ng paghubog, pag-organisa ng mga pangarap at pagharap sa hamon ng buhay eskwela. Nakakalungkot minsang isipin na may mga estudyanteng parang bibili lang ng taho kung pumasok sa eskwelahan dahil sa parating absent o kung present man eh iniisip na ang mga gagawin pagkatapos ng klase. Siguro kung maiisip lang ng mga estudyante na napakaimportante ng pagpasok sa apat na sulok ng paaralan eh magiging maganda ang pasok ng pera. Isipin mo, dalawang dekada ka lang mag-aaral( kabilang na ang mga panahon na bumagsak ka, nakirambol, kumain ng lugaw, naglaro ng holen, nagsunog ng tanso at nagpasabog ng kwitis) eh ang kapalit naman eh mas malinaw na bukas. Kesa naman masayang ang walong dekada ng buhay mo sa wala dahil sa hindi ka nagseryoso sa pag-aaral at hindi nagpass ng essays patungkol sa “ What you did last summer?” at “ Why I love my parents?”. Kung maiisip lang sana ng mga estudyante eh magiging maganda talaga ang pasok ng pera.

Naalala ko nung unang salta ko sa kolehiyo. Nasa unang row ako ng upuan. Ewan ko kung namamaligno lang ako nung nga panahong yon pero walang gustong tumabi sakin. Tatlong araw nang nakalipas eh ayaw talaga nilang makiupo sakin. Kaya nug pagkatapos ng klase eh tinawagan ko ang ate ko. Sabi ko “ Ate bat ganun, 3 days na eh alang tumatabi sakin!?”. Ang sambit ng magiting kong kapatid “ Baka abnormal ka!?”. Binabaan ko sya ng telepono. Napaupo ako sa may sulok, malapit sa c.r.. Napagkamalan pa akong mamboboso. Katwiran ko naman eh nagsesenti lang. Ewan ko kung napaniwala ko sila. Hanggang sa lapitan ako ni Carla ( ang magiting kong kaibigan na bigla na lang nawala hanggang sa ngayon pagkatapos naming mag-usap sa library). Sabi nya “ Mag-isa ka lang?”. Ang sabi ko “ Oo eh”, sabay halik. Pero pauso ko lang yon. Doon ko nalaman sa kanya na kaya pala walang gustong tumabi sakin eh artistahin ako. Pauso ko ulit yon. Suplado raw kasi yong pagmumukha ko. Yon ang first impression nila sakin. Natawa ako. Ang buong akala ko eh asiwa sila sakin kasi ako ang pinakagwapo sa mga lalake. Pauso na naman. Ang totoo, ang alam ko eh kaya ala talagang lumalapit sakin eh stranger ako, taga Mars, at kumakain ng itlog na pula sabay sawsaw sa patis. Umalis rin sya pagkatapos nun. Pero masaya ako kasi nalaman ko na ang dahilan at hindi ko na kailangan pang pumunta sa Imbestigador o sa Kapuso Foundation para malinawan ako. Kaya kinabukasan, todo ngisi ako sa mga kaklase ko na parang kumakandidato.

First impressions last. Nabiktima ako nyan at sa panong paraan eh ulitin mo ulit ang pagbabasa sa itaas. Sa ibang aspeto eh totoo ang kasabihang ito. Pero para sakin , nasa desisyon na yan ng tao patungkol sa kung gusto mong manatili ang ganoong mga pananaw sa kanyang pagkatao. Tunggalian ng kaisipan, desisyon at pangyayari. Nag-ekspirimento ako minsan patungkol sa kasabihang ito. Nung may bago pa akong ka-roommate, imahe ng isang suplado at aktibista ang ipinakita ko. Ayon, pagkatapos ng dalawang lingo eh nag-alsabalutan na. Minsan maganda ang manghusga pero mas maganda kung pumasok ka mismo sa pagkatao ng taong yon.

No comments: