
Halik
Napagtanto mo na ba minsan sa isang gabi ng iyong pagmumuni-muni kung ano ang halik sa buhay mo?. Ako hindi. Rekwes lang itong masterpiece na to ng aking nililigawan. Magsualt daw ako tungkol sa halik. Ewan ko kung nakainom sya ng gaas nung mga panahong yon pero napaisip na rin ako at eto nga, nakakulong ako ngayon sa aking silid para makagawa ng artikulo na magiging pambato( entry, hindi bato- rock) ko sa Nobel Peace Prize.
Naalala ko nung una akong makahalik at mahalikan. Akala ko mabubuntis yong babae. Ewan ko kung sinong praning ang nagpauso na pag hinalikan mo ang babae eh mabubuntis. Balik sa kwento. Halos gabi-gabi akong dinalaw ng pangamba na baka nga mabuntis yong hinalikan ko. Kaso nawala ang pangambang yon ng manood ng bold ang tatay ko kasama ang mga kapitbahay namin na um, natuyot na. Kitang-kita ng mga mata ko( na kunwari’y naglalaro ako ng gameboy) ang mga pangyayari. Ganito un, pumasok sa kwarto yong lalake tapos nilapitan yong babae tpos @&*!!@^%.....!!!!... Ganun. Kung di mo gets eh humihingi ako ng tawad. Pang Nobel Peace Prize kasi ito.
Balik sa halik. May mga halik na hindi pangkaraniwan. Beso-beso ang tawag kung umpugan ng pisngi ang trip mo. Ito ay ginagawa ng mga magkakakilala o ginagawa sa mga social gatherings tulad ng Pistang Patay at Mahal na Araw. Nung una akong makipagbeso-beso, halik talaga sa pingi ang ginawa ko. Di naman nagalit yong babae kaya inulit ko. Kaya ayon, ang sambit “bastos!”. Moral lesson- wag makipagbeso- beso ng dalawang ulit.
Meron ding tinatawag na nakaw na halik. Ito ang uso nung high school ako. Yong mga kaibigan ko ang nagpakalat nito. Ang modus operandi- may ipapakitang puno ng niyog ang mga kaibigan ko( di ko alam kung bakit niyog ang paborito naming ipakita, nagtataka talaga ako hanggang ngayon). Pag tumingin yong babae, hahalik sabay takbo ang may pakana. Kiss and run ang tawag namin dito. Pero kalaunan, nalaos din ito dahil sa ang kaya na lang naming bolahin eh pitong buwang gulang na bata. Kaya umisip kami ng paraan. Ang naisip ko- magpakasenti. Kunwari’y pasan ko ang daigdig at kailangan ko ng matinding kalinga. Naging epektibo kaso nalaos din kalaunan. Hanggang sa tumalikod na kami sa masamang gawain.
Sa ngayon may nahalikan ako.Ewan ko pero unang beses ko talagang pumikit. Peksman. Nakaramdam ako ng lamig, respeto at ano ba un, um, yong parang kumukutitap ang iyong paligid. Basta ganun. Eto yata yong narinig ko minsan sa pelikula- halik na may sipa. Ewan kung matindi lang ang pangangailangan sa halik nung nagsabi nun pero sa tingin ko eh totoo naman.
Patulog na ako habang sinusulat ito matapos namnamin ang halik na iyon. Siguro sa likod ng halik ay may nakatagong mensahe para ngumiti at magmukhang kamukha ng smiley logo ang isang tao. Napapangisi ako ngayon. Siguro ay gumagana na ang gayuma ng halik. Iba talaga pag may mahal. Iba ang halik ng pagmamahal.
1 comment:
NATULALA!
UN LANG!
Post a Comment